top of page

Ang Wikang Filipino sa Gen Z Alpha

Mga May-Akda: Abdul Dibangkitun, Asnia Camid, Jeziel Kate Genielo, Jamyca Angel Halabas, Kcmic Jane Mierla, Jannella Jhayne Mangyao, Jessel Mae Monteza

Ang Wikang Filipino bilang Wika ng Gen Z Alpha

Ang Filipíno ay ang pambansang wika ng Pilipinas. Ito ang opisyal na wika ng bansa bukod sa wikang Ingles. Ito rin ang unang wika ng tinatáyang mahigit sa 28 milyong Pilipino at pangalawang wika naman ng mahigit 45 milyong Pilipino. Sa kapasiyahan Blg. 13-39, s. 2013 ng Lupon ng mga Komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino, ibinigay ang kahulugan ng Filipino na: “Ang Filipino ay ang katutubong wika na ginagamit sa buong Pilipinas bilang wika ng komunikasyon sa pabigkas at pasulat na paraan ng mga pangkat ng katutubo sa buong kapuluan. Sapagkat isang wikang buháy, mabilis itong pinaunlad ng araw-araw at iba’t ibang uri ng paggamit sa iba’t ibang pook at sitwasyon at nililinang sa iba’t ibang antas ng saliksik at talakayang akademiko ngunit sa paraang kaugnay at pagtatampok sa mga lahok na nagtataglay ng mga malikhaing katangian at kailangang karunungan mula sa mga katutubong wika ng bansa.” Sa makabagong panahon na ating ginagalawan, marami na ang mga naganap na pagbabago at inobasyon, kung saan malaki ang impluwensya ng teknolohiya at globalisasyon. Hinuhubog ng mga ito ang perspektibo at pag unawa ng mga tao. 

 

Nagiging progresibo at dinamiko ang wikang Filipino kung kaya’t maraming mga salita ang nadagdag, nabawasan at nagbabago ang mga kahulugan. Isa na rito ang mga kabataang nabibilang sa Generation Z  o mas kilala sa tawag na Gen Z na madalas gumamit ng internet, ayon sa mga linggwista. Paliwanag ni Alvin Ringgo Reyes, kalihim ng Kolehiyo ng Edukasyon ng UST, dahil ang mga kabataang edad 9 hanggang 24 taong gulang – ang sakop ng Generation Z – ay babad na sa internet, maraming mga salita ang nanganganak, patunay na nagbabago ang wika sa bawat yugto ng kasaysayan. Nanganganib na maipagyayabong ang Wikang Filipino sa mga kabataan lalong-lalo na sa mga Gen Z, Gen Alpha at sa mga susunod na henerasyon. Sa henerasyon natin ngayon na halos lahat ng tao ay gumagamit na ng social media sa pakikipagkomunikasyon at sa pang araw-araw na pangkabuhayan at libangan, ang pag-usbong at ang paggamit nito ay may malaking 'impact' kung bakit di-gaanong nabibigyan ng pansin ang Wikang Filipino at ang ilan nating katutubong wika. Ang interaksyon ng globalisasyon ay mas lalong lumalawak ng dahil sa social media, dahilan kung bakit hindi gaanong nabibigyan ng importansya ang Wikang Filipino sa panahon ngayon lalong-lalo na sa Gen Z at Gen Alpha.

 

Sumasabay ang Wika sa panahon na kung saan ang makabagong mga salita na madalas gamitin ay naging tanyag. Ang pagbabago sa wika ay karaniwan ng bahagi ng pagbabago sa buhay. Binibigyang - buhay ng komunikasyon ang pagyabong ng kultura, lipunan lalo na ng wika. Sa patuloy nitong pagbabago, umusbong ang mga salita na tangi sa isang pangkat ng tao. Sa pag-aaral na isinagawa ni Gime Arjohn (2020) pinamagatang Wika Genz: Bagong Anyo ng Filipino Slang sa Pilipinas na Isinumite sa International Journal of Research Studies in Education. Napatunayan sa pag-aaral na ang Wika ay buhay at dinamiko sa lipunang patuloy na gumagamit ng medya at teknolohiya. Ang impluwensya ng social media platforms tulad ng Twitter, Facebook, Instagram, at telebisyon at iba pa ay nagbubunsod ng eksperimentalisasyon sa mga bagong salita at mga umiiral na mga salita. Ipinapakita rin ng papel na ito na patuloy parin ang transpormasyon ng mga salita batay sa impluwensiya ng sosyal at kultural. Sa kasalukuyan ang mga  kabataan ay itinuturing na  Generation  Alpha  ito ay binubuo ng mga indibidwal na ipinanganak sa crossover ng Generation Z at sa  bagong  edad  (Tootell  et  al.,  2014).  Ito ay itinuturing na ipinanganak sa pagitan  ng taong  2010 at  2025. Halos 250 bata ang ipinapanganak bawat minuto, na umaabot sa 2.1 milyong Gen Alpha bawat linggo at higit sa 130 milyon sa buong mundo (Lamble, 2018). Ang kanilang taon ng kapanganakan (2010) ay kasabay ng taon kung saan ang "app" ay ang salita ng taon. Ang Generation Alpha ay mas malamang na matatagpuan sa mga visual na app gaya ng TikTok, Instagram, at Snapchat. 

 

 Ang  bawat  salitang  nabuo  ng  mga  Generation  Alpha  ay  ginagamit  nila  batay  sa kanilang  emosyon,  pahayag,  pag-uugali,  pantawag  sa  tao,  at  pampuri  sapagkat  ang  pakikipagtalastasan  ay sinusuportahan  ng  iba’t  ibang  salita.  Ito  ay  ginagamit  upang  gawing  mas  epektibo,  kawili-wili  ang komunikasyon at bigyang-daan na tangkilikin ang pag-uusap. Ang salitang nabuo ng Generation Alpha tulad ng awit, eguls, salty, at sheesh ay nagpapakita ng emosyon ng taong nagsasalita. Ang  salitang  bet, finna, at yeet ay mga pariralang  pahayag ng mga Generation Alpha. Kuys, mams, paps, sizst, at mariecakes ay mga pantawag sa mga taong may koneksyon sa kanila. Ang slay at dasurv ay mga  salitang  pampuri  habang  ang  cap at no cap  ay  sumasagot  sa  ugali  ng  isang tao.  Marami  ang  nabuong salita ng Generation Alpha na ginagamit sa komunikasyon ng mga kabataan. Ito ay tinukoy bilang balbal na uri ng wika na impormal na ginagamit sa komunikasyon upang mas madali at agad maunawan ng isang pangkat sa panlipunan. Ayon kay Trimastuti (2017) ang kakayahan ng komunikasyon ay paghahatid ng kahulugan mula sa isang  indibidwal  patungo  sa  isa  pa.  Ang  pangangailangan  ng  tao  ay  isang  paraan  ng  komunikasyon  upang matugunan ang mga  pangangailangang  panlipunan.  Mayroong ilang mga  halimbawa ng baryasyon  ng wika, isa na  rito  ang  balbal. Ang balbal ay isa sa mga baryasyon ng Wika na kamakailan  na  kadalasang  ginagamit  sa pakikipag-ugnayan ng  mga  kabataan. Ginagamit  ng mga  kabataan  ang  pagkakaiba-iba  ng wikang  ito  sa  iba't ibang uri at dahilan (Wahyu Nuraeni at Pahamzah, 2021). Sa kabilang banda ito ay  nagdudulot  ng  kalituhan  sa  pakikipagtalastasan  ng  mga  mag-aaral.  Ayon  sa pag-aaral nina Danao, Torres, Tubio, at Vea (2017) na ang "binaliktad" ay karaniwang ginagamit ng mga Pilipino upang itago  ang tekstuwal na wikang ito sa mga pag-uusap sa araw upang masaya sila. Gayundin, ang ganitong uri ng balbal ay kadalasang ginagamit para sa pagbibiro at panunukso upang makakuha ng prestihiyo sa kanilang mga kaibigan kaya, na nagbibigay ng  positibong mga damdamin. Ang mga salitang ito ay  isang patunay  na ang wikang  Filipino  ay  buhay  at  patuloy  na  nagbabago  ayon  sa  panahon,  at  pagbabago  ng  mga  sangkot  sa talastasan. Ang salitang omsim, ssob, at eguls  ay  mga  salitang  binaliktad  mula  sa  salitang  mismo,  boss,  at  lugi.  Ang mga  ito  ay  ilan lamang  na  madalas  gamitin  ng  mga  Generation  Alpha  sa  kanilang  pakikipagtalastasan  na maaaring pasulat o pasalita, may iba pang mga salitang  ginagamit ang mga  mag-aaral sa  kanilang pakikipagtalastasan tulad  ng lodi mula sa  salitang  idol, werpa  na  salitang  power,  yorme  mula  sa  salitang  mayor.  Ito  ay  mga  salitang  iilan  lamang  sa  madalas  na ginagamit ng mga mag-aaral dahil ito ay naririnig nila sa telebisyon at sa mga social media ang pagiging  lantad ng kabataan sa  paggamit ng mga ganitong porma ng salita ay maaaring magdulot na makaligtaan ang wastong pagbaybay ng mga salita. Ang ganitong suliranin ay may impak sa  kanilang  mga  karaniwang  gawaing  pang-akademiko.  Ang  mga  salitang  ito  ay  pumailalim  sa  proseso  ng paghahalo at  pagpapaikli at  alinsunod kay Tudtod (2020), may mga salitang  tinatawag  na  hiram-daglat, kung saan karaniwang umiimbento o bumubuo ng salita sa pamamagitan ng pagpapaikli sa mga ito sa paraang pasalita o  paiskrip.  Ito  rin  ay  sinuportahan  ng  pag-aaral  ni Muhammad  (2011)  ang  ating  pakikipag komunikasyon ay lumalawak sa pamamagitan ng mga pinaikling salita. Ayon  kay  Fish  (2011)  malaki  ang epekto ng mga  impormal na salita o  balbal  sa kasanayan ng mga  mag-aaral sa komunikasyon kaya’t kailangan ang isang adbokasiya na susulong sa maayos at epektibong pakikipagtalastasan. 


Sa kabuuan, Ang Wikang Filipino Bilang Wika ng Gen Z Alpha ang nagbibigay patunay na ang wika ay dinamiko. Ito ay patuloy na umuunlad at nagbabago kasabay sa pag-usbong ng mga teknolohiya at social media sa makabagong panahon. Ayon kay Alvin R. (2023), ang pagpasok ng mga bagong salita o ang tinatawag na slang ay sanhi ng eksposyur ng mga kabataan ngayon sa medya at internet na nakapag-ambag sa pagpapayaman ng ating wika at pakikipagkomunikasyon. Nagdudulot ng kalituhan ang makabagong paggamit ng Generation Z sa Wikang Filipino dahil sa madalas na paggamit ng mga slang kung saan ang mga salita ay pinaikli at binibigyan ng bagong termino kaya nakakaapekto ito sa mga pormal na komunikasyon, lalo na sa larangan ng edukasyon. Ang mga makabagong salita at termino na ginagamit ng mga Gen Z Alpha ngayon ay sumasalamin sa kanilang sosyal at kultural na katayuan sa modernong panahon. Gayunpaman, nakakatulong ang mga salita gaya ng balbal sa pagpapahayag ng ekspresyon o damdamin, ngunit kinakailangan rin ang masusing paggamit ng makabago at tradisyunal na wikang ating ginagamit. Kung maaari ay gumamit ng adbokasiya at sapat na edukasyon nang sa gayon ay mapanatili ang pagyabong at ang tamang paggamit ng wikang Filipino bilang pagkakakilanlan at bilang ito ay sumasalamin sa ating kultura o lahi.

Mga May-Akda: Tomfeel Fabria, Louise Marion Halim, Niña Rachele Laluyan, Divino Piamonte, Kryss Ann Reyes, Keshia Lady Grace Tima-an

Ang Wikang Filipino sa Lente ng Gen Z Alpha

Sa panahon ngayon, napakahalagang mabigyang pansin at tanaw ang wika lalo na’t unti-unti ay umuusbong ang globalismo, at iba pang malalaking impluwensiyang nagsisilbing pangunahing interes ng mga kabataan. Sa konteksto ng Pilipinas, na isang bansang binubuo ng mga arkipelago, at ng mahigit 120-187 na lenggwahe, ang wikang Filipino ay mayroong napakalaking gampanin lalo na’t ito ang nagsisilbing tulay sa komunikasyon at pagkakaisa ng bawat mamamayan, sa kabila ng daybersidad at pagkakaiba-iba ng pulo. Ngunit sa kasalukuyan, ang mga sitwasyong ito ay maaaring hindi na nagiging problema. Partikular na sa pagkakakalayo-layo ng bawat lugar, ay nandyan na ang smartphones, cellphone, computers, internet, at iba pang teknolohiya bilang isang mabisang solusyon sa agarang komunikasyon. Hindi lamang sa bahagi ng komunikasyon nagiging mahalaga ang wika, pagkat ito rin ang nagrerepresenta sa identidad, at sa kultura ng Pilipino. Sa kabila nito, nagiging malaking hamon lalo na sa mga kabataan, partikular sa generation alpha at generation z ang pagbibigay pansin at halaga sa mga kasalukuyang problema sa kagamitan ng wikang Filipino sa iba’t-ibang aspeto ng pamumuhay. Lalo na’t malaking parte ng mga panibagong henerasyong ito ang paggamit ng sosyal medya na madalas ang laman ay nakasulat, o ginagamit ay ingles. Binanggit rin sa isang artikulo sa Rappler na The latest study on the youth in the Philippines says a whopping 74% of respondents watch videos for entertainment (Lilibeth Frondoso, 2023). Habang sa isa namang pag-aaral, nakita na mahigit 76% ng mga kabataang Pilipino na nasa edad 8 hanggang 18 ay gumagamit na ng Social Networking Service, o Sosyal Medya (GSMA, 2016). Makikita dito ang pagiging konsistent sa paggamit ng mga kabataan sa sosyal medya sa mga nagdaang taon. Nagkakaroon rin ng malawakang paggamit ng Philippine English, o Taglish sa mga kabataan. Ipinaliwanag ni Lambert ang uri ng ingles na ito na a medium of communication of the media and the majority of educated Filipinos (Lambert, 1997). Sa dahilang ito, nagsisilbi nang isang malaking bahagi sa paghubog ng kaisipan ng mga kabataang Gen Z Alpha ang sosyal medya.

​

​

Layunin

Sa kasalukuyan, nagiging malawakan na ang mga diskurso tungkol sa mga epekto ng paggamit ng sosyal medya sa mga kabataan. Layunin ng papel na ito ang mga sumusunod:

  1. Ano ang papel ng sosyal medya at teknolohiya sa paghubog ng kaisipan tungkol sa paggamit sa wika

  2. Makita kung ano, o paano nakaka epekto ang sosyal medya at teknolohiya sa mga kabataan, partikular sa kung ano ang ginagamit na wika

  3. Maunawaan kung paano nagsisilbing repleksyon ang kasalukuyang sitwasyon sa kultura at identidad ng mga kabataan

​

​

Ang Wikang Filipino Bilang Wika Ng Gen Z Alpha

Ang henerasyong Gen Z Alpha ay naiiba sa mga naunang henerasyon sa paraan ng paggamit ng wika. Sa digital na panahon, ang wikang Filipino ay nakakaranas ng mga makabuluhang pagbabago dahil sa impluwensya ng teknolohiya, sosyal medya, at globalisasyon. Sa pamamagitan ng pananaliksik, mas malalim nating nauunawaan ang pagbabagong nagaganap sa wika, ang mga hamon na hinaharap nito, at ang potensyal nito sa bagong espasyong nililikha ng Gen Z. Sa pag-aaral nina Gime at Macascas (2020) naging bahagi ng kanilang pagtalakay ang tadbaliks bilang wika ng Henerasyong Z. Binalikan nila ang mga pen name ng mga manunulat at ang wika ng tinedyer noong 1970s. Ang pag-aaral na ito nina Gime at Macascas (2020) ay halos magkahawig sa kasalukuyang pag-aaral dahil ito ay may kinalaman sa anyo ng mga salitang slang na binigyan din ng pagsusuri sa mga korpus na nalikom mula sa mga sosyal medya sites ng mga kalahok upang maunawaan ang mga ito. Isa pang pagkakatulad ay ang pagbigay ng kahulugan mula sa mga nasuri at naitalang Gen Z Alpha slang batay sa ponema at morpemang anyo nito. Ayon sa pag-aaral nina Catamora, et al. (2019) makikita na ang teknolohiya ang salarin sa paglitaw ng mismong salita at pananalita. Sa kasalukuyan, ang sosyal medya ang mismong nagdidikta sa ating kultura, sapagkat ginagaya din ng mga Pilipino kung ano ang nauuso sa ibang bansa. Ang epekto ng mga salitang ito ay ang pagkakaroon ng dagdag na kaalaman tungkol sa mga makabagong salitang umiiral sa at nauuso sa panahong ito. Dagdag pa nina Catamora, et al. (2019), sa pag-usbong ng makabagong henerasyon marami ang nagbago sa paraan ng pakikipag usap ng mga tao at naging madali ang pangangalap ng impormasyon sa pamamagitan ng sosyal medya. Malaki rin ang naging papel ng sosyal medya sa pakikipagtalastasan sa virtual community na kung saan malaya sila na mailahad ang kanilang mga saloobin.Natuklasan din na ang Gen Z Alpha slang ay dumaan sa iba’t ibang proseso ng morpolohiya at nakatutulong sa kasanayan sa wika, komunikasyon, at tiwala sa sarili. Gayunpaman, nagdudulot ito ng hadlang sa wika para sa mas matatandang henerasyon at may negatibong epekto sa kanilang mga kasanayan sa pagsusulat. Dahil dito, hindi ito inirerekomenda sa mga talakayan sa klase at pagsusulat ng sanaysay, ngunit pinapayagan sa usapan lamang sa pagitan ng kanilang mga kaibigan. Dagdag pa rito sa pag-aaral ni Jolo (2020), ang mga salitang slang katulad ng millennial ay may iba’t ibang paraan ng pagkakabuo. Halos magkakapareho ang mga ginagamit nilang mga salitang slang ng mga mag-aaral sa pasalita at pasulat. Mula naman sa pag-aaral nina Jeresano & Carretero (2022), ang pag-aaral na ito ay tumutukoy sa kulturang digital at slang sa sosyal medya ng Generation Z (Gen Z), na naglalarawan sa mga kabataang ipinanganak mula 1996 hanggang 2009. Sa paglaganap ng mga online platform, lumaganap din ang paggamit ng slang na nagpapahayag sa kultura ng mga digital native.

​

Ang mga findings naman mula sa mga pag-aaral ni Jubahib et al. (2024), Temporosa (2022), Parker & Iglielnik (2020), Howe (2024) at Ador (2023) ay nagpakita ng patuloy na pag-evolve ng wika ng mga kabataan sa panahon ng digital na komunikasyon. Habang nagpapakita ito ng makabagong pag-usbong ng wika, kinakailangan ding masusing pagtuunan ng pansin ang mga epekto nito sa mga pormal na diskurso at pagsusulat sa mga paaralan at iba pang institusyon. Dagdag pa, ayon kina Parker at Iglielnik (2020), ang Generation Z ay bihasa sa paggamit ng mabilisang wika, tulad ng mga acronyms at shorthand gaya ng "LOL" (laugh out loud), "OMG" (oh my god), at "BRB" (be right back). Ang mga ito ay patunay ng mabilis at episyenteng paraan ng komunikasyon sa online na mundo, kung saan ang kahulugan ay maaaring maipahayag nang walang kahirap-hirap at mabilis. Isa pang mahalagang aspeto ng diskusyon ang mga datos ni Howe (2024) tungkol sa mga social media statistics sa Pilipinas. Ayon sa kanyang pagsusuri, higit sa 75% ng mga kabataan sa Pilipinas ang gumagamit ng sosyal medya araw-araw. Ang ganitong pagtaas ng paggamit ng sosyal medya ay may malaking epekto sa wika ng kabataan. Halimbawa, ang mga kabataan ay kadalasang gumagawa ng content at nagko-comment gamit ang Taglish at slang, na nagpapakita ng pagkakakilanlan ng kabataan sa digital na mundo. Sa ganitong paraan, ang sosyal medya ay nagsisilbing isang lugar kung saan nabubuo at nahuhubog ang wika at kultura ng mga kabataan, pati na rin ang kanilang pananaw sa mundo. Pinapadali nito ang pagbuo ng koneksyon sa mga kabataan habang nagbibigay ng espasyong makapagpahayag sila ng kanilang sarili sa mas maikli at makabagong paraan. Gayunpaman, ang ganitong pagbabago ay nagdudulot ng hamon pagdating sa pagpapanatili ng tamang gramatika at estruktura ng wika.

​

Ang Gen Z Alpha ay hindi lamang tagagamit ng wika, kundi aktibo ring bumubuo ng bagong anyo nito. Ayon sa pananaliksik na "Gen Z: Bagong Mukha ng Baryasyong Filipino" nina Gannaban et al. (2023), ang baryasyon ng wika ng henerasyong ito ay nagpapakita ng kanilang kakayahang mag-eksperimento. Ang mga kabataan ay gumagamit ng “text speak,” abbreviations, at salitang balbal na sumasalamin sa kanilang kultura. Halimbawa, ang paggamit ng salitang “lodi” (idol) at “petmalu” (malupit) ay indikasyon ng kanilang malikhaing pagbuo ng bagong bokabularyo. Samantala, ang paghahalo ng Filipino at Ingles, o Taglish, ay hindi lamang dahil sa kaginhawaan ng paggamit nito, kundi pati na rin sa pagiging kasangkapan ng kabataan upang ipahayag ang pagiging mulat sa buong mundo. Ito ay nagpapakita ng pagiging bukas ng wika sa pagbabago habang pinapanatili ang kakanyahan nito bilang isang identidad ng Pilipino. Bagamat positibo ang pag-unlad ng wika, nagiging hamon ang pagbabago nito sa mga aspeto ng edukasyon at kultura. Ang kawalan ng pormalidad sa paggamit ng wika ay maaaring makaapekto sa kakayahan ng mga kabataan sa tamang pagsusulat, partikular sa mga pormal na sitwasyon tulad ng akademya o opisyal na komunikasyon. Ang labis na pagsandal sa informal na wika ay maaaring magresulta sa pagkawala ng pagkakaintindi sa tradisyunal na anyo ng Filipino. Ang ganitong hamon ay nangangailangan ng interbensyon, tulad ng sistematikong pagtuturo sa mga paaralan, upang mapanatili ang tamang paggamit ng wika habang pinapayagan ang malikhaing ebolusyon nito.

 

Sa kabila ng mga hamon, ang pagbabago sa wika ay nagbibigay din ng maraming oportunidad. Ayon nina Jeresano at Carretero (2022), ang kakayahan ng wikang Filipino na umangkop sa bagong kultura at teknolohiya ay nagpapakita ng lakas nito bilang wika ng komunikasyon at pagkakakilanlan. Ang Gen Z Alpha ay nag-aambag sa pagpapalawak ng bokabularyo at pagpapalalim ng mga diskurso sa online platforms. Ang kanilang pagkamalikhain sa paggamit ng wika ay maaaring magbigay-inspirasyon upang lumikha ng mga bagong estratehiya para sa pagpapayaman ng Filipino sa mga larangan tulad ng sining, teknolohiya, at agham. Ang mga terminong nauugnay sa gaming, sosyal medya, at pop culture ay halimbawa ng kontribusyon ng henerasyong ito sa inobasyon ng wika. Ang wikang Filipino ay nasa kritikal na yugto ng pagbabago at pag-unlad sa panahon ng Gen Z Alpha. Ang impluwensya ng teknolohiya at globalisasyon ay nagbigay ng bagong anyo at kahulugan sa wika. Habang mahalaga ang pagsabay sa pagbabago, kailangang panatilihin ang balanse upang hindi makalimutan ang tradisyunal na aspeto ng wika. Ang Gen Z Alpha, bilang mga digital natives, ay hindi lamang tagapagmana ng wika kundi mga aktibong tagapag-ambag ng pagbabagong linggwistiko. Sa patuloy na pagyabong ng teknolohiya, ang wikang Filipino ay nananatiling makapangyarihang kasangkapan ng komunikasyon, pagkakakilanlan, at kultura.

​

Sa kabuuan, ang wika ng henerasyong Gen Z Alpha ay sumasalamin sa mabilis na pagbabago ng ating lipunan, dulot ng teknolohiya at sosyal medya. Ang mga kabataan ngayon ay hindi lamang gumagamit ng wika, kundi aktibo rin silang bumubuo ng bagong anyo ng komunikasyon na nag-uugnay sa kanila sa isang mas globalisadong mundo. Ang paggamit ng Taglish, slang, at pinaikling mga salita ay nagpapakita ng kanilang malikhaing paraan ng pagpapahayag at pagbuo ng sarili nilang wika sa mga digital na espasyo. Sa kabila ng positibong aspeto ng mga pagbabagong ito, may mga hamon din na kaakibat, tulad ng pagkakaroon ng agwat sa komunikasyon sa pagitan ng mga kabataan at mga nakatatandang henerasyon, at ang epekto nito sa pormal na pagsusulat at komunikasyon sa akademya at iba pang institusyon.

​

Gayunpaman, ang patuloy na pag-usbong ng wika ng Gen Z Alpha ay hindi lamang isang simpleng pagbabago, kundi isang pagpapakita ng kakayahan ng Filipino na makibagay sa makabagong panahon. Sa tulong ng teknolohiya, ang Filipino ay nagiging mas bukas at malikhain, at ito ay patuloy na umaangkop sa mga pangangailangan ng mga kabataan. Dapat lamang na tiyakin na sa kabila ng malikhain at impormal na mga pagbabago, mapanatili ang balanse upang hindi mawala ang tamang kasanayan sa wika, lalo na sa mga pormal na diskurso.

​

Ang papel ng wika sa pagbuo ng kultura, identidad, at pagkakakilanlan ng kabataan ay hindi matatawaran. Sa pagyakap sa teknolohiya at sosyal medya, ang Gen Z Alpha ay nagsisilbing tagapaghatid ng pagbabago sa wika, na nagpapakita ng potensyal ng Filipino na magpatuloy at umunlad. Ang mga kabataang ito ay may mahalagang papel sa hinaharap ng wika, at sa pagtutok sa mga aspeto ng wika sa kanilang komunikasyon, magkakaroon tayo ng mas malalim na pag-unawa kung paano pa natin mapapalago at mapapalakas ang wikang Filipino sa susunod na mga henerasyon.

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter
  • LinkedIn
  • YouTube
  • TikTok
bottom of page