

Ang Wikang Filipino sa Politika
Mga May-Akda: Jill Christine Cati-il, Abrianne Joy Juntilla, Jhon Laurence Luib, Ayna Naga, Athea Pelenio, Reigna Geoille Saluaga
Sining at Pagtatanghal: Ang Pagtatampok sa Wikang Filipino
Ang sining ng pagtatanghal, o sining ng pagganap, ay isang anyo ng sining na nagsasangkot ng pagtatanghal sa isang madla. Ito ay isang interdisiplinaryong aktibidad kung saan ang mga tagapagtanghal—tulad ng mananayaw, aktor, o musikero—ay nag-aasal upang aliwin at ipahayag ang kanilang sining. Hindi lamang ito limitado sa mga biswal na anyo kundi sumasaklaw din sa auditory na karanasan, na nagtatampok ng kahusayan ng mga manlilikha sa kanilang imahinasyon at teknikal na kakayahan. Layunin nitong ipakita ang kagandahan at magbigay-inspirasyon.
​
Sa paglipas ng panahon, ang sining ay nahati-hati sa iba't ibang uri, mula sa biswal na sining hanggang sa mga anyo ng pagtatanghal tulad ng musika, teatro, pelikula, at sayaw. Noong ika-20 siglo, ang mga pangunahing sining ay umabot sa siyam: arkitektura, paglililok, musika, pagpipinta, panulaan, pelikula, potograpiya, at komiks. Ito ay nagdala ng pag-usbong ng mga institusyon tulad ng mga museo at galeriya na nakatuon sa pagsusuri at pagkatalogo ng mga akdang makasining.
​
Sa kasalukuyan, patuloy na umuunlad ang sining. Ang paglitaw ng iba't ibang midya ay naging mahalaga sa pagpapalaganap at pag-aaral ng sining, na nagbigay-daan para mas maraming tao ang makilahok. Sa kabuuan, ang sining ay isang mahalagang bahagi ng ating kultura at lipunan, patuloy na nagpapayaman at nagbibigay inspirasyon sa bawat henerasyon.
​
Kasaysayan ng Wikang Filipino sa Sining at Pagtatanghal
Ayon sa mga eksperto, walang sining na tunay na magaganap kung wala ang wika, dahil ito ang pangunahing daluyan ng ideya at emosyon. Mahalaga ang wika sa sining at pagtatanghal dahil ito ang pangunahing daluyan ng ideya at emosyon. Sa Pilipinas, maraming anyo ng sining, lalo na ang mga sinasalita, ang nakasalalay sa wika, kaya't napakahalaga nito sa ating kultura.
​
Sa panahon ng kolonyalismo, malaki ang naging impluwensiya ng mga banyaga sa ating sining. Bagamat may mga pagbabagong naganap dulot ng pag-adapt sa banyagang kasanayan, nananatili pa rin ang diwa ng pagiging Pilipino. Halimbawa, ang pagpasok ng mga Kastila ay nagdala ng bagong anyo ng musika tulad ng misa at sonata, ngunit makikita pa rin ang ating natatanging pagkakakilanlan.
​
Maraming kilalang akdang gumagamit ng wikang Filipino sa sining. Isa na rito si José de la Cruz, na mas kilala bilang Huseng Sisiw, na itinuturing na Hari ng mga Makata. Ipinanganak noong Disyembre 20, 1746 sa Tondo, Maynila, siya ay nag-aral nang mag-isa at naging tanyag sa kanyang mga tula. Ang kanyang palayaw ay nagmula sa hinihinging kabayaran—sisiw—sa mga patulang liham ng pag-ibig. Siya rin ang guro ni Francisco Balagtas.
​
Isa pang kilalang makata ay si Pedro Gatmaitan, na itinuturing na pinakamagaling sa mga tulang liriko. Ang kanyang tanyag na koleksyon, "Tungkos ng Alaala," ay nalimbag noong 1912, at siya ang unang nakasulat ng tulang pasalaysay na "Kasal." Minana niya ang talento mula sa kanyang ama at naging mamamahayag at editor ng "Alitaptap."
​
Ang mga akdang ito ay simbolo ng yaman ng wikang Filipino at nagpapakita ng ating kultura at kasaysayan. Ang mga manunulat tulad nina De la Cruz at Gatmaitan ay nagbigay-diin sa kahalagahan ng wika bilang daluyan ng sining at pagpapahayag, na patuloy na nagbibigay inspirasyon hanggang ngayon.
​
Pagsasalin at Pagsasalinwika
Ang pagsasalin at pagsasalinwika ay mahalaga sa sining at pagtatanghal, lalo na sa wikang Filipino. Ito ay hindi lamang teknikal na proseso kundi isang sining na naglalayong ipahayag ang diwa at emosyon ng orihinal na akda. Mahalaga ang wastong pagsasalin ng mga script, tula, at iba pang anyo ng panitikan upang maiparating ang tamang mensahe sa mga tagapanood.
​
Noong panahon ng kolonyalismo, ang pagsasalin ay naging kasangkapan para mapanatili ang kultura at pagkakakilanlan ng mga Pilipino. Ang pagpasok ng banyagang wika, tulad ng Espanyol at Ingles, ay nagbigay-daan sa bagong terminolohiya ngunit nagdulot din ng hamon sa pagbuo ng lokal na terminolohiya. Ayon kay Newmark (1988), dapat isaalang-alang ang diwa at estilo ng orihinal na akda sa pagsasalin.
​
Sa kasalukuyan, patuloy ang hamon sa pagbuo ng terminolohiya sa sining gamit ang wikang Filipino. Maraming artist at manunulat ang nahaharap sa kakulangan ng tiyak na salita para sa modernong sining, kaya't madalas nilang hiniram ang mga terminolohiya mula sa Ingles. Gayunpaman, may mga inisyatibo upang lumikha ng bagong salita na mas akma sa lokal na konteksto.
Sa kabuuan, ang pagsasalin ay isang mahalagang paraan upang ipahayag ang ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino. Ang paggamit ng wikang Filipino sa sining ay nagpapalakas ng pambansang identidad at nagbibigay-diin sa kahalagahan ng ating kultura, habang patuloy na nag-aambag sa pagpapayaman ng ating kasaysayan at tradisyon.
​
Sining at Pagtatanghal
Sa Pilipinas, ang paggamit ng Wikang Filipino bilang pangunahing midyum sa mga pagtatanghal ay nagtatampok sa yaman ng ating wika at nagbubuklod sa mga Pilipino upang mas maunawaan ang kanilang kasaysayan at damdamin. Kabilang sa mga popular na anyo ng sining ang mga dula at sayaw.
​
Halimbawa, ang Florante at Laura ni Francisco Balagtas ay gumagamit ng Wikang Filipino upang ipahayag ang emosyon ng mga tauhan at ipakita ang mga temang may kinalaman sa pag-ibig at bayan. Ang El Filibusterismo naman, adaptasyon mula kay Dr. Jose Rizal, ay nagtatampok sa mas madilim na aspeto ng kwento na may kaugnayan sa rebolusyon.
​
Sa sayaw, ang Singkil ay isang tradisyunal na sayaw mula sa Maranao na nagkukuwento ng epikong Darangen, habang ang mga katutubong sayaw tulad ng “Kadal Taho” mula sa T’boli ay binibigyang buhay gamit ang Filipino bilang tulay para sa mga tagapanood.
​
Ang Wikang Filipino ay mahalaga sa pagbuo ng koneksyon sa pagitan ng mga artista at manonood, na nagpapalalim ng pag-unawa ng audience—lalo na ng masang Pilipino—sa mga tema at mensahe ng pagtatanghal. Sa ganitong paraan, isinasabuhay natin ang ating kultura at ipinapakilala ito sa susunod na henerasyon, na nagiging simbolo ng pagkakaisa at iisang identidad bilang mga Pilipino.
​
Kahalagahan ng Wikang Filipino sa Sining
Ang wika ay isang mahalagang bahagi ng ating pagkakakilanlan at nagsisilbing salamin ng ating pagiging mamamayan. Ito ay kasangkapan sa paglinang ng malikhaing pag-iisip, na nagpapahayag ng ating emosyon at saloobin sa pamamagitan ng mga pangungusap, pag-awit, pagtula, at iba pang anyo ng panitikan.
​
Malaki ang papel ng Wikang Filipino sa sining, kung saan ginagamit ito ng mga artist upang ipahayag ang kanilang damdamin sa musika (tulad ng OPM) at mga tula (tulad ng Spoken Poetry). Ang sining sa komunidad ay hindi lamang nagbibigay-buhay sa mga urban na lugar kundi nagsisilbing paraan ng pagpapahayag tungkol sa mga isyu sa lipunan at kultura.
​
Magkaugnay ang wika, kultura, at panitikan, na lahat ay sumasalamin sa ating pagka-Pilipino. Ang wika ay ginagamit upang maipahayag ang mga kaisipan at damdamin, na nagiging dahilan ng pagbuo ng mga paniniwala. Nakikilala ang kultura ng bansa sa pamamagitan ng wika, na nagbibigay-diin sa ating mga tradisyon.
​
Ang wika ay isang mahalagang bahagi ng pambansang identidad. Naglalarawan ito sa kultura, kasaysayan, at pagkakakilanlan ng mga mamamayan. Ang paggamit ng sariling wika ay nagpapakita ng dignidad at pagpapahalaga sa sariling kultura. Kaya't mahalaga ang pagtangkilik at pagpapalaganap ng wikang pambansa upang mapalakas ang pambansang pagkakakilanlan.
​
Mga Hamon at Oportunidad
Ang paggamit ng wikang Filipino ay nagbubukas ng maraming oportunidad at hamon. Isa sa mga pangunahing benepisyo nito ay ang mas malawak na akses sa lokal na kultura at panitikan, na nagiging daan para sa mas malalim na pagpapahalaga at pagpapahayag ng ating tradisyon at kuwento. Bukod dito, ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng pagtuturo ay nagpapadali sa pag-unawa at pagpapaliwanag ng mga konsepto sa iba't ibang larangan.
​
Gayunpaman, may mga hamon din na kaakibat ang paggamit ng wikang ito. Kabilang dito ang kakulangan sa kasanayan sa pagsasalita at pagsulat sa ilang sektor, lalo na sa agham at teknolohiya. Para sa mga manggagawa sa sining, maaaring maliit ang bilang ng manonood sa mga produksyon na gumagamit ng Filipino, lalo na sa mga lugar na may dominanteng wika. May ilan ding naniniwala na mas mataas ang antas ng Ingles kumpara sa Filipino.
​
Ang pag-unlad ng teknolohiya at globalisasyon ay nagdadala rin ng hamon, dahil laganap ang paggamit ng banyagang wika. Sa kabuuan, mahalagang isulong ang pagpapahalaga at pagpapahusay ng wikang Filipino upang mapanatili itong may papel sa internasyonal na komunikasyon at pagsasaliksik.
Konklusyon
Ang sining at pagtatanghal ay mahalagang bahagi ng ating kultura na nagiging daan upang maipahayag ang ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino. Sa pamamagitan ng Wikang Filipino, nagiging tulay ang mga pagtatanghal upang maipakita ang yaman ng ating kultura at kasaysayan. Ang iba't ibang anyo ng sining tulad ng musika, dula, at sayaw ay nagpapalalim sa pag-unawa sa mga damdamin, ideya, at aral na nais ipahayag ng mga alagad ng sining. Sa kabila ng impluwensiya ng mga banyaga, nananatili ang diwa ng pagka-Pilipino sa mga likha, at nagiging inspirasyon ang mga ito upang mas pahalagahan ang ating wika at tradisyon.
​
Sa kabila ng mga hamon na dala ng modernisasyon at globalisasyon, patuloy ang pagsisikap na itaguyod ang wikang Filipino sa sining. Ang paggamit nito ay nagpapalakas sa ating pambansang identidad at nagpapayaman sa kultura ng bawat henerasyon. Bagamat may mga limitasyon, tulad ng kakulangan ng tiyak na termino sa modernong sining, ang mga inisyatibo upang pagyamanin ang wika ay nagpapatunay ng ating determinasyon na panatilihin ang ating tradisyon at pagkakakilanlan. Sa ganitong paraan, nananatiling buhay ang sining at pagtatanghal bilang salamin ng ating kasaysayan, kultura, at pagkatao.
Mga May-Akda: Kishia Apalla, Dennise Adrian Ates, Carl Dexon Barilla, Danielle Anne Limbaga, Johannah Mae Ruelan, Regine Sarip, Edgar Señoron Jr.
Wikang Obra Maestra, Nagbibigay-Buhay sa Kultura: Isang Artikulasyong Papel Hinggil sa Wikang Filipino sa Mundo ng Sining at Pagtatanghal
Ang Pilipinas ay hindi lamang mayaman sa likas na yaman, sagana rinangbansa sa maraming tradisyon, kultura, at paniniwala na nagkakaiba-iba sa bawat rehiyon. Gayunpaman, mayroon ding pagkakatulad sa kinagisnan ang mga mamamayan, gaya ng interes sa mga likhang sining at pagmamahal sa mga pagtatanghal. Ang mga Pilipino ay kilala sa pagiging malikhain at talentado na nagpapakita ng kanilang talino, husay, at galing sa iba’t ibang larangan ng sining at kahit saang entablado. Sa larangang ito, ang wika ay hindi lamang isang kasangkapan sa komunikasyon, kun’di isang malakas na puwersa na nagbibigay- buhay sa mga kultura, tradisyon, at paniniwala. Sa Pilipinas, ang Wikang Filipinoay higit pa sa isang wika. Ito ay simbolo ng ating pagkakakilanlan, daluyan ng ating pagkakaunawaan, at mahalagang bahagi ng ating pang-araw-araw na pamumuhay. May malaking epekto ang wikang pambansa sa pagbibigay-kahulugan at buhay sa mga sariling akda o likha. Sa pamamagitan nito, naipapahayag ng mga Pilipino ang kanilang mga damdamin, kaisipan, at kuwento sa paraang tunay na nagmumula sa kanilang puso at diwa.
​
Ang Wikang Filipino sa Larangan ng Sining at Pagtatanghal
Ang wikangFilipino ay ang pambansang wika ng Pilipinas. Ito ay ang opisyal na wikangginagamit sa edukasyon, pamahalaan, at midya sa buong bansa. Ang Wikang Filipino ay may mahalagang papel sa larangan ng sining at pagtatanghal saPilipinas. Ginagamit ito sa iba’t ibang aspekto ng sining; mula sa paglikha ng mga natatanging sining, hanggang sa pagtalakay at pagsuri ng mga ito, tulad ng mga tula, nobela, awitin, at dula. Ang sining at pagtatanghal naman ay malawak na larangan na naglalaman ng iba’t ibang anyo ng pagpapahayag ng mga ideya, damdamin, at ekspresyon. Kasama na rito ang panitikan, musika, biswal na sining, sayaw, teatro, pelikula, at iba pa. Ang pagpapakita ng mga obra maestra sa publiko sa pamamagitan ng pagganap o pagsasadula nito.
​
“Art and language are intertwined in a complex relationship, with each influencing and shaping the other. Language serves as a powerful tool for communication and expression, while art provides a visual, auditory, or tactile medium through which ideas, emotions, and experiences can be conveyed” (The Curators Blog, 2023).
​
Ayon kay Teachy (2023), sa "Tanong Katamtaman ng Sining sa Mundong Sining", ang iba't ibang artistikong wika, tulad ng pagpipinta, teatro, musika at sayaw ay madalas na nagtutulungan at nakikipag-ugnayan sa mga kakaibang paraan. Pinayayaman ang karanasan ng sining para sa mga kasangkot at sa publiko. Batay sa ideyang ito, susuriin at ilalarawan gamit ang isang konkretong halimbawa kung paano maaaring maiugnay at mapayaman ang dalawa o higit pang mga artistikong wika sa isang proyekto o pagtatanghal. Bukod dito, ipinaliwanag kung paano makatutulong ang integrasyon sa mas malawak at mas malalim na pag-unawa sa sining at sa mensaheng ipinamamahagi.
Alinsunod naman sa 1987 Konstitusyon, Artikulo XIV, Seksiyon 6, na nagsasaad na “Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalangnalilinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na mgawika ng Pilipinas at sa iba pang mga wika”. Ang probisyon na ito ay nagbibigay ng legal na batayan para sa pagpapayaman at pagpapalawak ng Wikang Filipino sa iba’t ibang larangan, kabilang na ang larangan ng sining at pagtatanghal. Dito mas nabibigyang-halaga ang paglikha at pagtangkilik sa mga sariling atin. Ang pagbibigay ng suporta sa mga Pilipinong manlilikha, manggagawa, performer, pintor at artista na gumagamit ng Wikang Filipino sa kanilang mga siningat pagtatanghal ay makatutulong sa pagpapanatili at pagpapaunlad ng wikang pambansa.
​
​
Wikang Filipino sa Iba’t Ibang Uri ng Sining at Pagtatanghal.
Panitikan: Ang panitikan ay repleksyon ng lipunan at kulturang umiiral. Sakabilang banda, ang lipunan at kultura ay hinuhulma naman ng panitikan kung kaya kailangang matuto ang lipunan mula sa panitikan. Ito ay naipapahayag, pasalita man, aktwal na pasulat, o di kaya’y elektroniko. Maaaring nasa anyong mga tula, kwento, dula, sanaysay, nobela, at iba pa. Ang mga nobelang “Noli MeTangere” at “El Filibusterismo” na isinulat ng pambansang bayani ng Pilipinas, Jose Rizal, ang dalawa sa mga halimbawa nito na nakaimpluwensya sa panitikan sa bansa. Sa kasalukuyan, ang Wikang Filipino ay tumutulong sa pagpapaunlad at pagpapayaman ng mga akdang pampanitikan sa Pilipinas. Mula sa mga sinaunang panulaan at kwentong bayan hanggang sa mga modernong sulat o limbag. Ang mga Pilipinong manunulat ay nagsimulang magpahayag ng iba’t ibang karanasan at pananaw gamit ang wikang pambansa.
​
Musika: Magkaagapay ang awit at wika sa paghubog ng pagkakakilanlan ng kulturang Pilipino. Mula sa mga tradisyunal na awiting bayan hanggang sa mga modernong kanta ng mga sikat na mang-aawit, ang Wikang Filipino ay nagbigay- buhay sa iba’t ibang uri ng musika sa Pilipinas. Sumasalamin ang awiting Pilipino sa buhay, gawain, tradisyon, paniniwala, pakikibaka, inspirasyon, pangyayari sa kapaligiran, at sa nararamdaman ng mga Pilipino bilang tao. Nagsisilbi rin itong instrumento upang makita ang mga pagbabagong nagaganap sa wika. Sinasabing dekada ’70 isinilang ang Original Pilipino Music (OPM). Sa mga taong ito namulaklak ang mga kantang “rock ballads” na isinulat sa WikangFilipino. Sumikat ang mga awitin ng bandang Hotdog, kagaya ng “Ang Miss Universe ng Buhay Ko,” maging ang kantang “Mr. DJ” ni Sharon Cuneta ay tinangkilik din. Sa kasalukuyan, may mga bagong OPM artists nagpapakita ng kanilang talento at pagkamalikhain sa larangan ng musika. Bagaman naiimpluwensyahan ng banyagang estilo, mas dominante pa rin ang paggamit ng Wikang Filipino na makikita at maririnig sa mismong mga liriko, gaya ng mga kanta ng grupong Bini at SB19.
​
Sayaw: Ang sayaw ay kadalasang ginagamit upang mailarawan ang mga tunog ng musika, at ang musika naman ay nagsisilbing gabay sa mga galaw ng sayaw. Sa Pilipinas, ang mga tradisyunal na sayaw ay nagpapakita ng kasaysayan, paniniwala, at pamumuhay ng mga Pilipino, gaya ng tradisyunal na sayaw sa Pilipinas na tinatawag na “Tinikling”. Ito ay ginagawa ng dalawang tao na tumutuktok ng dalawang mahabang kawayan sa sahig, habang ang mgamananayaw ay tumatalon sa pagitan ng mga ito. Ang sayaw ay nangangailangan ng bilis, kagalingan, at koordinasyon. Pinapakita rin nito ang pagiging maliksi at masipag ng mga Pilipino. Sa kabilang banda, may mga sayaw na kadalasang may kasamang kanta o tula na nasa Wikang Filipino. Ang mga kanta at tula na ito ay nagtataglay ng mga salawikain, kasabihan, at mga kwentong nagpapakita ng kagandahan at yaman ng Wikang Filipino bilang wikang pambansa.
​
Biswal na Sining: Ang Wikang Filipino ay esensyal sa biswal na sining. Nagsisilbi itong instrumento sa pagpapahayag ng mga konsepto at emosyon sa pamamagitan ng mga larawan, eskultura, at iba pang anyo ng sining. Maaari rin itong mapagkukunan ng inspirasyon, magbigay kagalakan, at kaalaman sa mga mamamayan. Halimbawa, ang mga kulay, hugis, linya, at tekstyur ay may mga pangalan sa Wikang Filipino na nagpapakita ng mas malalim na pag-unawa sa kanilang mga katangian. Ang wikang pambansa rin ay nagbibigay ng mga salita at parirala na nagpapahintulot sa mga manonood na maunawaan ang mga konteksto at kahulugan ng mga sining. Maraming halimbawa ng paggamit ng Wikang Filipino sa biswal na sining, tulad na lamang ng mga kilala ngayong editorial cartooning na hinahaluan ng Wikang Filipino sa pagpapahiwatig ng mga mensaheng nais ipahiwatig, lalo na sa usaping panlipunan o gobyerno. Gayundin, ginagamit ang Wikang Filipino sa pagpapamagat ng mga painting, gaya ng“Bayanihan” o “Pambansang Alay”.
Teatro: Isang uri ng sining na gumagamit ng mga aktor, direktor, manunulat, at iba pang mga artista upang lumikha ng isang palabas na nagsasabi ng isang kuwento o nagpapahayag ng isang kasaysayan. Ito ay binubuo ng pagganap sa harap ng mga manonood, karaniwang sa isang entablado at may iba’t ibang genre, maaaring komedya, drama, musikal, o opera. Ang paggamit ng Wikang Filipino sa teatro ay may mahabang kasaysayan na nagsimula pa noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Sa panahong ito, ang zarzuela, isang uri ng dula na may kasamang musika at sayaw, ay naging popular sa Pilipinas. Karamihan sa mga zarzuela ay isinulat sa Wikang Tagalog, na naging batayan ng Wikang Filipino. Sa kasalukuyan, patuloy na pinapanatili ang ganda at hiwaga ng mga teatro. Sa taong ito lang, may mga kinilalang theatre plays, gaya ng “PINGKIAN: Isang Musikal” noong Marso 01, 2024 sa pangunguna ni direktor Jenny Jamora, at nitong Abril 12 hanggang Hunyo 16, isinadula ang “One More Chance: The Musical” sa PETA Theater Center, Quezon City (Pagkatotohan, 2024). Sa pamamagitan ng paggamit ng sariling wika, mas nagiging malalimang koneksyonng mga manonood sa mga dulang ipinalalabas, na nagbibigay-daan sa mas malawak na pag-unawa at pagpapahalaga sa mga mensahe at tema ng mga dula.
​
Pelikula: Ang mga film maker ay gumagamit ng iba’t ibang elemento tulad ng kuwento, karakter, musika, at biswal na disenyo upang lumikha ng isang natatanging karanasan para sa manonood. Maraming mga pelikulang Pilipino ang nagpapakita ng kahalagahan ng wikang Filipino. Halimbawa, ang “Anak” (2000), “Padre De Familia” (2015) at “Kita Kita” (2017) ay ilan lamang sa mga pelikulang nagamit ang Wikang Filipino upang maghatid ng mga aral na nakakaapekto sa pananaw ng mga manonood. Dahil nga hilig ng mga Pilipino ang pelikula, may ilang gumagawa ng kanilang sariling pelikula na tinatawag na indie films na karaniwan ay nasa Wikang Filipino. Sa pagsulat ng iskrip, nagagamit ang Wikang Filipino upang magsalaysay, magbigay-aral at maisakatuparan ang layunin ng pelikula. Sa simpleng pag-arte at pagbigkas ng mga linya ay napapayabong na ang wika dahil ang pelikula ay may malakas na impluwensya sabuhay ng mga tao, ang paglalakip ng wika sa mga ito ay malaki ang naiaambagsapambansang pag-unlad.
​
Ang wika sa sining at pagtatanghal ay magkakaugnay kung saan ang bawat isaay nakakaimpluwensya at nagbibigay-hugis sa isa’t isa. Ang wika ay nagsisilbing isang makapangyarihang kasangkapan para sa komunikasyon at ekspresyon, habang ang sining ay nagbibigay ng isang biswal, pandinig, o pandamdam na daluyan kung saan ang mga ideya, emosyon, at karanasan ay maaaring maihatid. Halimbawa, ang mga pintor na gumagamit ng mga kulay, hugis, at salita upang ipahayag ang kanilang mga damdamin. Ang mga musikero na gumagawa ng mga sariling tunog, ritmo, at liriko upang magbahagi ng nararamdaman. Ang mga manunulat na gumagamit ng mga salita upang lumikha ng mga imahe sa isipan ng mga mambabasa. Ang mga aktor na isinasaisip at isinasapuso ang mga diyalogo sa paghahatid ng libangan sa madla. Ang pagpapakita ng pagpapahalaga at ang pagpapaunlad ng Wikang Filipino sa larangan ng sining at pagtatatanghal ay isang malaking hakbang patungo sa pagpapalalim ng ugnayan natin bilang isang mamamayan sa bansang Pilipinas at ang pagpapalaganap at pagpapakita ng atingangking kahusayan at pagiging malikhain sa mga larangang ito sa buong mundo. Sa pangkalahatan, ang Wikang Filipino sa larangan ng sining at pagtatanghal ay may mahalagang papel sa pagpapalaganap ng ating kultura, pagpapahayag ng ating mga karanasan, at pagpapalakas ng ating pambansang identidad. Ito ay isang buhay na bahagi ng sining at pagtatanghal. Ang paggamit ng Filipino ay hindi lamang isang paraan ng komunikasyon kun’di isang pagninilay at pagpapahiwatig ng ating pagiging Pilipino. Sa paglipas ng panahon, ang Filipino ay patuloy na nagsisilbing kasangkapan ng mga manlilikha ng sining upang mapanatili at maipagmalaki ang natatanging kultura ng mga Pilipino