top of page

Ang Wikang Filipino sa Akademya

Mga May-Akda: Aprilyn Cruz, Gazel Kate De Guzman, Kriss Arvy Estrada, Jade Pauleen Fontanoza, Lamariesweet Jopia, Amalhaya Alhai Solaiman

Ang Espasyo ng Wikang Filipino sa Akademya: Isang Pagsusuri

Ang Wikang Filipino ay may mahalagang papel na ginagampanan sa iba’t ibang larangan ng ating lipunan,ito ay may malaking epekto sa paghubog ng kamalayan at pagpapalawak ng kaalaman sa loob ng akademya. Sa kabila ng pagiging isang pambansang wika, patuloy na pinag-uusapan ang espasyo ng wikang Filipino sa mga institusyon ng edukasyon, partikular na sa pagtuturo at pagkatuto ng mga mag-aaral. Mula sa elementarya hanggang sa kolehiyo, ang Filipino ay isang importanteng instrumento sa pagbuo ng mga kasanayan at pagpapahayag ng ideya. Sa mga nakaraang taon, may mga isyung lumitaw hinggil sa paggamit ng Filipino sa mga asignaturang teknikal at agham at ang epekto nito sa kalidad ng edukasyon. Ngunit  hindi lamang sa mga asignaturang may kinalaman sa wika at literatura, kundi pati na rin sa mga agham panlipunan, agham pangkalikasan, at iba pang disiplina. Gayunpaman, patuloy ang mga usapin ukol sa paggamit ng Filipino bilang wika ng pagtuturo sa mga unibersidad at kolehiyo, kung saan may mga nagsusulong ng paggamit ng Ingles bilang wika ng akademya dahil sa globalisasyon at internasyonal na kalakaran. Sa kabila ng mga hamong ito, ang wika ay hindi lamang isang kasangkapan sa komunikasyon kundi isang makulay na bahagi ng ating kultura na may kakayahang mag-ambag sa mas malalim na pag-unawa at pagpapalaganap ng edukasyon sa mas malawak na konteksto ng bansa. Sa ganitong pananaw, mahalaga ang patuloy na diskurso at pagsusuri sa gamit ng Filipino sa akademya upang mapanatili ang balanseng ugnayan ng wika, kultura, at edukasyon sa ating lipunan.

 

Sa kasalukyang panahon na kung saan mabilis ang pagbabago at malawak ang globalisasyon, patuloy na nakikipaglaban ang Wikang Filipino upang mapanatili ang kanyang espasyo sa mga paaralan, kolehiyo, at unibersidad. Bilang pangunahing istitusyon ng karunungan at edukasyon, ang akademya ay isang mahalagang larangan na kung saan ang wika ay may mahalagang papel. Simula elementarya at sekondarya ay hinasa na tayo sa wikang Filipino at Ingles na itinutuloy ang paggamit hanggang sa kolehiyo bilang wikang panturo o midyum sa pagtuturo. Sa elementarya at sekondarya, ginagamit ang Wikang Filipino sa mga asignaturang Filipino, Araling Panlipunan (AP), Edukasyong Pantahanan at Pangkabuhayan (EPP), Edukasyon sa Pagpapakatao (ESP), at maging sa MAPEH bilang midyum sa pagtuturo. Pagdating sa Matematika, Agham, at English ay ginagamit na ito bilang wikang pantulong o auxiliary language. Sa antas ng tersyarya naman, iniatas ng Komisyon ng Lalong Mataas na Edukasyon ang CHED Memorandum Order no. 30 series of 2004 na isulong ang pagtuturo ng Filipino hindi lamang bilang isang sining ng komunikasyon na lumilinang sa apat na makrong kasanayan kundi upang magamit din ang wikang Filipino bilang isang akademikong wika (Mayor-Asuncion & de Guzman, 2015). Mayroon ding mga asignatura at kurso sa Filipino na isinama sa General Education Curriculum o GEC kung saan ituturo ang kasaysayan, kultura, at panitikan ng Pilipinas sa Wikang Filipino.

​

Bagaman isinusulong ang paggamit ay may kasama pa rin itong mga hamon. Isa na rito ang hamon sa dominasyon ng Wikang Ingles. Ingles ang itinuturing na pandaigdigang wika ng agham, teknolohiya, at maging sa negosyo. Sa maraming paaralan at unibersidad, Ingles ang madalas na ginagamit sa pagtuturo at pagsusulat lalo na sa mga agham at teknikal na kurso at program. Dahil dito, nagiging limitado ang paggamit ng Filipino sa mga akademikong diskurso at mas marami ang mga akademikong akda na naisulat sa Ingles. Maliban dito ay may kakulangan din sa suporta mula sa gobyerno at mga institusyong pang-edukasyon para sa mga programa at proyekto na nagtataguyod ng Wikang Filipino. Ang mga pagsasanay para sa mga guro na may layuning pagyamanin ang kanilang kakayahan sa pagtuturo ng iba't ibang asignatura gamit ang Filipino ay madalas na kulang o hindi sapat. Ang mga kurikulum at mga libro na gumagamit ng Filipino bilang pangunahing wika ay limitado rin. Dahil na rin sa impluwensya ng wikang Ingles, maraming mga Pilipinong mag-aaral ang hindi na marunong gumamit ng kanilang sariling wika maging ang wikang Filipino. May kahinaan ang mga mag-aaral sa larangan ng pagsulat ng sanaysay gamit ang wikang Filipino ayon kina Pablo at Lasaten (2018). Isa rito ang kahirapan sa paggamit ng tamang mga salita, idyoma, at bokabularyo. Batay pa kay Espiritu (2005), “kailangang makalaya ang Filipino sa limitadong tungkulin (nito) bilang wika ng nasyonalismo (upang) magamit ito sa iba pang intelektwal na gawain.”

​

Sa kabila ng lahat, ang Wikang Filipino sa akademya ay patuloy na naging mahalagang instrumento sa pagpapalaganap ng mga kaalaman sa larangan ng edukasyon. May malaking papel parin ang wikang ito sa akademya dahil nakakatulong ito sa mga mag-aaral upang mas lalong matuto at maging mas bihasa ang mga estudyante sa wikang filipino. Mahalaga ito na matutunan sa akademya dahil nakakatulong ito para mas mapayabong at makikita ang kahalagahan ng wikang filipino. Bagamat ang ingles ang mas tinuturo sa mga paaralan sa panahon ngayon, ngunit ang wikang filipino ang mas mahalagang instrumento at nagpapalaganap ng kaalaman sa edukasyon.

​

Ang wika ay nagsisilbing daan upang mas maunawaan ng malalim at mapalawak ang kanilang pananaw sa akademikong disiplina. Gayunpaman, ang pagpapalaganap ng Wikang Filipino sa akademya ay naglalayong mapanatili ang ating kasaysayan at kultura. Sa pagkakaroon ng edukasyon sa wikang filipino ay nagpapalaganap din ng pagmamalaki sa ating kultura at pambansang wika. Ayon kay Dr. Fortunato B. Sevilla III, na tinalakay sa panayam ng Zafra at Barroquillo (2024), may malaking potensyal ang Filipino bilang wika ng mga siyentipiko at intelektwal. Ayon kay Sevilla, ang Filipino ay maaaring magsilbing isang wika ng intelektuwal na diskurso at maaaring mag-ambag sa mga larangan ng siyensya at teknolohiya, kasabay ng pagpapalaganap ng ating kasaysayan at kultura. Binanggit ni Sevilla ang kahalagahan ng intelektuwalisasyon ng Filipino sa mga teknikal at siyentipikong disiplina upang mapalawak ang saklaw nito sa akademya (Zafra & Barroquillo, 2024).

​

Sa ganitong paraan, ang edukasyon sa Wikang Filipino ay hindi lamang nagsisilbing kasangkapan para sa mas malalim na pang-unawa ng akademikong disiplina, kundi isang hakbang din patungo sa pagpapalaganap ng ating pambansang wika at kultura. Kaya't mahalaga ang patuloy na pagsusuri at pagsuporta sa paggamit ng Filipino sa akademya upang matiyak na ang ating wika ay patuloy na magiging buhay na bahagi ng ating edukasyon at kultura.

Mga May-Akda: Emman Rowen Bugsocan, Kate Dela Cruz, Angel Faye Gongob,  Alinair Olama, Renalyn Tañan, Kenshinyoh Una Tejada

Mga Hamon at Pag-asa: Ang Kalagayan ng mga Filipino sa Usaping Akademya

Isang mahalagang kasangkapan ang wika na ginagamit upang maiparating ang mga nakapaloob na ideya at damdamin ng isang tao. Ito ay hindi lamang kumakatawan sa isang tao, ang wika ay kumakatawan din sa pangunahing pagpaparating sa iba ng panlipunang pagkakakilanlan. Ang wikang Filipino, na siyang pambansang wika ng Pilipinas ay nagsisilbing sinturon na nagpapanatili sa mga mamamayan upang maging isa sa diwa, pangarap. Ang usapin ng Filipino sa akademya ay isang mahalagang usapin, hindi lamang ito usaping pangwika, ito rin ay usaping pambansa dahil ang pagkakaroon ng isang wikang pambansa ay isang napakahalagang hakbang upang isang bansa ay makilala. Parte ng ating pagiging Pilipino ang Filipino, kaya nararapat na ating gamitin ang ating wikang pambansa dahil nakalaan ito sa ating batas.

​

Ngunit sa usapin ng larangan akademya ang wikang Filipino ay nanganganib, Dahil imbes na gamitin ito bilang wikang panturo naging auxiliary na lang ito. Ayon sa Kautusan Blg.54 ng 1987 konstitusyon kung saan ito ay tungkol sa bilinggwal na edukasyon, nakasaad sa batas na malayang gamitin ang wikang Filipino bilang wikang panturo kasama ang wikang Ingles. Ngunit ang matapos ipinatupad ang batas na ito, makikita natin na mas nangingibabaw ang paggamit ng wikang Ingles sa iba’t ibang asignatura, mapipili lamang kung anong mga asignatura ang gumagamit ng wikang Filipino.

 

Ang Globalisasyon ay may malaking gampanin rin kung bakit ang wikang Filipino ay mas na limitahan ang paggamit ng wikang Filipino. Noong naipatupad ang House Bill 4701 ang “An Act Prescribing English as Medium of Instruction in Philippine Schools.” sa panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo. Naging balakid ang batas na ito upang mas yumabong pa ang wikang filipino sa larangan ng akademya. Ipinatupad ang batas na ito upang mas lumago daw ang ating lipunan at ekonomiya. Layunin ng papel na ito ay bigyang linaw kung ano ang espasyo ng wikang Filipino sa larangan ng akademya. Ninanais ng papel na ito na tukuyin ang kalagayan ng wikang Filipino sa iba’t ibang antas ng akademya mula elementarya hanggang kolehiyo. Layunin rin ng papel na ito na alaminn kung gaano kalawak ang gamit ng wikang Filipino sa akademya.

​

Pulse Asia (2022) 38% ng mga mag-aaral sa baitang 1 hanggang 3 ang mas gusto ang Filipino na wika bilang midyum ng pagtuturo. Ibig sabihin, 62% ang mas pinili ang wikang Ingles bilang kanilang paraan ng pag-aaral. Makikita sa survey na mula pagkabata pa lamang ang pagtuturo ng wikang Filipino ay dapat magsimula sa sariling pamamahay ngunit sa sariling pamamahay ay mas unang tinuturo ang wikang Ingles kaya pag dating sa paaralan mas pinipili ng mga estudyante na gamitin ang wikang Ingles dahil ito ang kanilang nakasanayan, kaya mas lalong nalilimitahan ang paggamit ng wikang Filipino sa elementarya.

 

Pablo et al. (2018), mahina ang mga mag-aaral sa pagsulat ng mga sanaysay sa Filipino sapagkat dahil ito sa kakulangan ng bokabularyo, paggamit ng mga tamang salita, at walang masyadong kasanayan sa gramatika ng wikang Filipino. Mas sanay na sumulat ng sanaysay sa wikang Ingles ang mga mag-aaral sapagkat mas malalim ang kanilang kaalaman sa estruktura ng wikang Ingles. Isa ito sa mga hamong kinakaharap ng wikang Filipino sapagkat ang mga mag-aaral ay hindi interesado sa pag-aaral ng wikang Filipino.

​

Masasabing mas matatag ang kalagayan ng wikang Filipino sa hayskul ay kumpara sa elementarya, dahil dito, ang wikang Filipino ay ginagamit hindi lamang bilang asignatura kundi bilang pangunahing medium ng pagtuturo sa iba't ibang asignatura. Gayunpaman, may mga banta sa paggamit nito, lalo na sa mga balitang nagpapahayag ng plano ng Department of Education (DepEd) na bawasan ang bilang ng mga asignaturang Filipino sa Senior High School mula tatlo tungo sa isa lamang. Ang hakbang na ito ay nagdudulot ng pangamba sa mga tagapagtanggol ng wika, tulad ng grupo ng Tanggol Wika, na nananawagan na huwag alisin ang wikang Filipino sa kurikulum dahil ito ay mahalaga para sa pagpapalakas ng kaalaman at kasanayan ng mga mag-aaral sa kanilang katutubong wika. Ayon sa mga pag-aaral, ang mataas na antas ng kasanayan at literacy sa wikang Filipino ng mga estudyante ay nakasalalay sa paggamit nito bilang pangunahing medium ng pagtuturo, na nagpapakita ng pangangailangan na mapanatili at paunlarin ang paggamit ng wikang ito sa sistema ng edukasyon.

​

Ang CHED Memorandum Order No. 20, Series of 2013 ay nagtakda na ang mga asignaturang Filipino at Panitikan ay hindi na itinuturing na mga core subjects sa kolehiyo, kasunod ng pagpapatupad ng K to 12 program na naglipat ng pagtuturo ng mga ito sa antas ng senior high school. Noong 2019, pinagtibay ng Korte Suprema ang desisyon na ito, na nagbigay-diin na ang memorandum ay hindi lumabag sa Konstitusyon at valid ang pagbawas ng General Education Curriculum (GEC) sa minimum na 36 units. Ayon naman sa mga petitioners, ang pagbura ng Filipino at Panitikan mula sa kolehiyo ay hindi tama, dahil ang mga asignaturang ito ay mananatili sa mas mababang antas ng edukasyon. Sa kabila ng desisyong ito, nananatiling nasa mga institusyon ang kapangyarihang magpasya kung isasama pa rin nila ang mga kursong ito sa kanilang curriculum, kaya't nagbigay ito ng pagkakataon para sa iba't ibang unibersidad na ipagpatuloy o itigil ang pagtuturo ng Filipino at Panitikan sa kanilang mga programa.

​

Sa kabuuan, ang kalagayan ng wikang Filipino sa iba't ibang antas ng akademya ay nahaharap sa mga seryosong hamon, lalo na sa konteksto ng mga pagbabagong ipinatupad ng Commission on Higher Education (CHED) na naglalayong alisin ang mga asignaturang Filipino at Panitikan mula sa kurikulum ng kolehiyo. Ayon kay Senator Hontiveros (2018), ang pagtanggal na ito ay hindi lamang paglilimita sa paggamit ng wikang Filipino bilang wikang panturo, kundi nagdudulot din ng panganib sa pagkakakilanlan at kultura ng mga Pilipino, sapagkat ang wika ay isang mahalagang bahagi ng ating identidad. Ang mga kritiko, kabilang ang mga guro at akademiko, ay nagtataguyod na ang wikang Filipino at panitikan ay dapat manatili at paunlarin sa kolehiyo, dahil ito ay hindi lamang isang midyum ng pagtuturo kundi isang disiplina na nag-aambag sa mas malalim na pag-unawa at pagpapahalaga sa ating kultura at kasaysayan. Sa katunayan, ang pag-aalis ng mga asignaturang ito ay itinuturing na isang anyo ng karahasang pangkamalayan na naglalayong isantabi ang ating sariling wika at kultura sa kabila ng mga pandaigdigang hamon.

​

Ang pag-usbong ng globalisasyon ay nagdudulot ng malaking hamon sa pagpapanatili at pagpapalaganap ng wikang Filipino sa larangan ng akademya. Sa kabila ng pagiging pambansang wika, unti-unting nawawala ang halaga nito sa mga institusyong pang-edukasyon dahil sa mas mataas na pagtangkilik sa wikang Ingles. Ang mga paaralan at unibersidad ay mas pinipiling gumamit ng Ingles bilang medium ng pagtuturo, na nagiging sanhi ng pagkakaroon ng mas maraming oportunidad para sa mga mag-aaral, ngunit nagiging dahilan din ito ng paglimot sa ating sariling wika at kultura. Ang ganitong sitwasyon ay nagiging sanhi ng pagkakahiwalay ng mga estudyante sa kanilang sariling identidad at kasaysayan, na mahalaga upang mapanatili ang ating pambansang pagkakakilanlan.

​

​Bilang mga mag-aaral at hinaharap na guro, may responsibilidad tayong isulong ang wikang Filipino hindi lamang bilang isang asignatura kundi bilang isang mahalagang bahagi ng ating kultura at identidad. Dapat tayong maging aktibong kalahok sa mga diskurso na nagtataguyod sa paggamit ng Filipino sa akademya, upang ma preserba at mapayabong ang ating wika. Sa pamamagitan ng pagtuturo at pagsasagawa ng mga proyekto na nakatuon sa wikang Filipino, maari tayong makapag-ambag sa paglikha ng isang kapaligiran kung saan ang ating wika ay hindi lamang buhay kundi umuunlad kasabay ng pagbabago sa mundo. Ang pagpapanatili at pagpapalaganap ng wikang Filipino ay hindi lamang tungkulin kundi isang mahalagang hakbang tungo sa mas makabuluhang edukasyon at pagkakaisa bilang isang bansa.

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter
  • LinkedIn
  • YouTube
  • TikTok
bottom of page