top of page

 Ang kalagayang Pangwika ng Pilipinas Noon at Ngayon

Mga May-Akda: Jeah Condrado, Fatima Divinagracia, Jahara Ibrahim, Noela Ortega, Rhea Peradillo, James Veloria, Sarah Victorio

WIKANG FILIPINO SA DALOY NG KASAYSAYAN: SA LENTE NG
PAGPAPLANONG PANGWIKA

Isang buhay at bukas na sistema ng pakikipag-interaksyon ang wika. Ang mga taong kabilang sa isang kultura ng gumagamit ang nagbabago nito. Makatao at panlipunan ang kasanayang ito (Dell Hymes, 1972). Ngunit hindi lamang ito simpleng instrumento ng komunikasyon o pakikipag-usap sa bawat isa. Nagsisilbi ang wika bilang salamin, identidad at pagkakakilanlan ng isang bansa, at ang kulturang nakapaloob dito. Sa Pilipinas, ang kalagayan ng wika ay dumanas ng masalimuot ngunit makasaysayan at isa sa mga pinakamayaman na wika sa daigdig. Isa ang Pilipinas sa mga bansang binubuo ng napakaraming pulo, bawat isa ay may sariling tradisyon, paniniwala, kultura, at wika.

 

Bago paman dumating ang mga mananakop ay mayaman na ang Pilipinas sa tradisyon, kultura, at katutubong wika na ginagamit sa pang araw-araw na pakikipag-ugnayan sa kapwa at sa kalikasan. Ngunit sa pagpasok ng mga kolonisador kagaya ng mga Espanyol, Amerikano, at Hapon ay nagkaroon ng malaking pagbabago sa kalagayan ng katutubong wika sa Pilipinas. Ipinakilala nila ang wikang dayuhan bilang wika ng simbahan, edukasyon, at gobyerno. Naging makapangyarihang sandata ang wika, sapagkat ginagamit ito ng mga kolonisador upang makontrol ang kamalayan ng mga Pilipino at dahil din rito, naisasantabi na ang katutubong wika at nababawasan na ang pagpapahalaga.

 

Bunga ng matagal na panahon ng pagiging kolonisado ng Pilipinas mula sa iba't ibang dayuhan, nananatili pa rin ang kanilang impluwensya kahit ipinagkaloob na sa pilipinas ang kalayaan nito–isang anyo ng neokolonisasyon. Isa sa mga suliranin na dulot nito ay ang patuloy na pag-iral ng kaisipang kolonyal, kung saan mas pinahahalagahan ang wikang Ingles kaysa sa sariling wika sa iba't ibang larangan ng lipunan. Bukod pa rito, naging hamon sa pagpapatibay ng wikang pambansa ang damdaming rehiyunal ng ibang dalubwika, na humantong sa pagkakahati ng mga opinyon sa hanay ng mga eksperto. Ang pagtatalong ito ay nagpapakita ng patuloy na hamon sa paghubog ng pambansang identidad at sa pagtataguyod ng wikang nagbubuklod sa buong bansa.

Mga May-Akda: Gladies Agan, Cg Bagas, Lovely Catilosa, Maybae Canaliso, Marzelle Caballero, Renalyn Fajardo, Jay Navaja, Mark Patilan

ANG EBOLUSYON NG KALAGAYANG PANGWIKA NG PILIPINAS SA
KONTEKSTO NG PAGPAPLANONG PANGWIKA

​Mahalaga ang wika sa paghubog ng ating pagkakakilanlan, kultura, at pagkakaisa bilang isang bansa. Sa Pilipinas, matagal nang bahagi ng mahahalagang usapin ang tungkol sa wika mula pa sa panahon ng ating mga ninuno, sa pagsakop ng Espanyol, Amerikano, at Hapon, hanggang sa panahon ng republika kung saan hinuhubog ng modernisasyon ang pagbabago ng wika, teknolohiya, at mabilis na komunikasyon. Ang pagkakaroon natin ng mahigit 175 katutubong wika ay patunay ng ating makulay at kakaibang kasaysayan bilang mga Pilipino, ngunit kasabay nito ang hamon na mapag-isa ang bansa sa pamamagitan ng isang wikang tunay na mauunawaan at tatanggapin ng lahat.

 

Sa mahigit tatlong siglo ng pananakop ng Kastila, ang wikang Espanyol ang naging opisyal na wika ng pamahalaan at edukasyon, subalit karamihan sa mamamayang Pilipino ay nananatiling gumagamit ng katutubong wika. Noong panahon ng Amerikano, itinaguyod ang Ingles bilang pangunahing wika ng edukasyon at pamahalaan, habang sa panahon ng Hapon (1942–1945), ipinairal ang Tagalog bilang Wikang Pambansa upang palakasin ang pambansang identidad. Ang karanasang ito ay nagbigay-diin sa ugnayan ng wika, kapangyarihan, at pambansang identidad, na nagsilbing pundasyon para sa pagpapaunlad ng Filipino bilang pambansang wika.

 

Bago dumating ang modernong panahon, higit sa 170 katutubong wika ang ginagamit sa bansa, at isa sa mga prominenteng ito ay ang Tagalog, na naging batayan ng pambansang wika. Noong 1935, ipinahayag sa Saligang Batas ang pangangailangan ng wikang pambansa, at pinili ang Tagalog bilang batayan. Noong 1959, ipinakilala ang pangalang Pilipino, at noong 1973, pinalitan ito ng Filipino upang maging mas inklusibo. Pormal na itinatag ang Filipino sa Saligang Batas ng 1987 bilang wikang buhay at patuloy na umuunlad, bukas sa integrasyon ng iba’t ibang katutubong wika at banyagang salita.

 

Sa kasalukuyan, ang wikang Filipino ay may malaking papel na ginagampanan, ginamit ang Filipino bilang opisyal na wika sa pamahalaan, edukasyon, batas, at iba pang larangan, at 2 bilang wikang panturo sa ilang asignatura, habang Ingles ang ginagamit sa agham, matematika, at iba pa. Sa pamamagitan ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE), nagagamit din ang mga wikang pantulong o rehiyonal sa pagtuturo at komunikasyon sa lokal na komunidad. Bilang lingua franca, pinagbubuklod ng Filipino ang mamamayan mula sa iba’t ibang rehiyon, na nagpapalakas sa pambansang identidad. Ang ebolusyon ng kalagayang pangwika, mula kolonyal hanggang kontemporaryo, ay malinaw na nagpapakita ng ugnayan ng wika, kapangyarihan, at pambansang identidad, at pinagtitibay ang kahalagahan ng Filipino sa pambansang pagkakaisa.

 

Sa kabila ng pagiging tahanan ng mahigit 175 wika, nananatiling hamon hanggang ngayon ang pagkakaroon ng malinaw, epektibo, at katanggap-tanggap na patakarang pangwika sa Pilipinas. Patuloy ang kalituhan sa pagpapatupad ng mga patakarang may layuning hubugin ang pambansang pagkakakilanlan, lalo na sa usapin ng papel ng Ingles, Filipino, at mga katutubong wika sa edukasyon at lipunan. Dahil dito, mahalagang suriin kung paano nakaapekto ang mga patakarang pangwika sa nagbabagong kalagayang pangwika ng bansa mula noon hanggang sa kasalukuyan.

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter
  • LinkedIn
  • YouTube
  • TikTok
bottom of page