top of page

Ang Wikang FIlipino sa Edukasyon: Mga Polisiyang Pangwika

Mga May-Akda: John Anadon, Shanine Congson, Antonio Kanor, Cylsteven Navarro, John Ocampo, Bianca Pasaforte, Heart Piape, Mary Razon

ANG WIKANG FILIPINO SA EDUKASYON: MGA POLISIYANG PANGWIKA

Sa timog-silangang Asya ay matatagpuan ang Pilipinas isang arkipelagong binubuo ng mahigit 7,641 na mga pulo, nagtataglay ng mayamang kasaysayan, kultura, at wika (NAMRIA, 2016). Sa mahabang kasaysayan nito, nasaksihan ng bansa ang tatlong makabuluhang yugto ng kolonisasyon: Kastila, Amerikano, at Hapon. Sa bawat kolonyal na yugto, nagkaroon ng kani-kaniyang espasyo ang mga wika sa sistemang pang-edukasyon ng Pilipinas. Sa ilalim ng pananakop ng Kastila, may mga dekretong nagsasaad ng pagtuturo ng Kastila, ngunit limitado ang implementasyon dahil mas binigyang-tuon ng mga prayle ang relihiyon kaysa sa malawakang literasiya (Lopez, 2015). Pagkatapos ay pumasok ang mga Amerikano at ginamit ang Ingles bilang pangunahing midyum ng edukasyon sa pampublikong paaralan isang estratehiya na naglayong hubugin ang mga Pilipino para sa pamahalaang may sistemang Kanluranin (Dawe, 2014). Sa panahon ng pananakop ng Hapon naman, ipinagbawal ang Ingles at pinatibay ang paggamit ng Tagalog bilang wika ng edukasyon sa pamamagitan ng pormal na kautusan (NCCA, 2018).

 

Sa kasalukuyan, bagamat Filipino at Ingles ang opisyal na wika ng bansa, napakaraming wika ang ginagamit sa pang-araw-araw na pamumuhay (Pineda, 2024). Ayon sa Ethnologue, mayroon ang Pilipinas ng 186 na established na wika (SIL International, 2021), na naglalarawan ng napakalawak na etnolingguwistikong pagkakaiba-iba. Kabilang dito ang 175 na buhay na katutubong wika, samantalang dalawa (2) ay itinuturing nang tuluyang nawala o extinct. Bukod dito, mayroon ding siyam (9) na buhay na di-katutubong wika na ginagamit at kinikilala sa bansa.

 

Dahil dito, ang pagpapatupad ng mga polisiyang pangwika sa edukasyon ay nagiging isang malaking hamon para sa gobyerno at institusyong pang-edukasyon (Tupas & Martin, 2016). Sa paglipas ng panahon, nagbabago ang espasyo ng wikang Filipino sa edukasyon mula sa pagiging isinusulong lamang sa panahon ng Hapon, patungo sa pagkilala rito bilang wikangpambansa, at hanggang sa pagiging isa sa dalawang opisyal na midyum sa mga paaralan. 

Mga May-Akda: Ash Casir, Elaine Lascona, Kyle Manliguez, Michelle Montuya, Angela Pepito, Jarren Sagario, Justin Tarepe

Ang Wikang Filipino sa Edukasyon at mga Polisiyang Pangwika

Ang wika ay hindi lamang isang kasangkapan sa pakikipagkomunikasyon kundi isa ring salamin ng kultura, identidad, at pambansang pagkakakilanlan. Ayon kay Hicana (n.d.), ang konteksto ng edukasyon sa Pilipinas, ang Wikang Filipino ay may mahalagang papel sa paghuhubog ng kaalaman at pagpapalaganap ng impormasyon sa loob ng paaralan. Bukod dito, ang mga polisiyang pangwika na ipinatutupad ng pamahalaan ay naglalayong itaguyod ang paggamit ng Filipino sa iba't ibang antas ng edukasyon, mula sa primarya hanggang sa tersiyarya, upang masiguro ang pantay-pantay na oportunidad sa pagkatuto at mapanatili ang pambansang identidad sa gitna ng globalisasyon.

 

Sa pamamagitan ng pagsusuri sa ugnayan ng wikang Filipino at mga polisiyang pangwika, mas mauunawaan ang kahalagahan nito sa pagtuturo, pagkatuto, at pagpapaunlad ng bansa sa larangan ng edukasyon.

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter
  • LinkedIn
  • YouTube
  • TikTok
bottom of page