
Ang Wikang Filipino sa Pamahalaan at mga Batayang Legal
Mga May-Akda: Reniel Apalla, Crizel Calopez, Cresfer Dayday, Shakainah Galicia, Andrea Raterta, Angelic Palao, Wilmar Potot, Nesryn Simbahan
Espasyo ng Wikang Filipino sa Pamahalaan at Batayang Legal
Ang wika ay itinuturing na kaluluwa ng isang bansa, isang puwersang nagbibigkis sa mamamayan at ilaw ng ating pagkakakilanlan. Sa isang bansang hinubog ng mahabang kasaysayan ng kolonyalismo at may daan-daang wikang ginagamit, mahalagang maunawaan ang papel ng pambansang wika bilang daluyan ng identidad at kapangyarihan. Bago talakayin ang mga legal na probisyon tungkol sa pambansang wika, nararapat balikan ang kasaysayan ng Pilipinas bilang isang bansang sinakop, nahubog ng iba't ibang kultura, at likas na multilingguwal. Binubuo ang kapuluan ng iba’t ibang pamayanan na may kani-kaniyang identidad, tradisyon, at wikang ginagamit sa pang-araw-araw. Ayon sa datos ng Ethnologue (n.d.), may humigit-kumulang 175 na katutubong wika sa Pilipinas, habang tinatayang may mahigit 500 diyalekto naman sa bansa batay sa ulat ng UNESCO Institute for Lifelong Learning (2017). Batay sa mga datos, ipinapakita ang mayamang pamana ng ating mga katutubo at ang pagiging tunay na multikultural at multi-etniko ng bansa. Dito nakikita na likas na masalimuot ang sitwasyong pangwika ng bansa at lalo pang naging kumplikado sa pagdating ng mga mananakop. Sa mahabang panahon ng kolonyalismo mula sa Espanyol, na sinundan ng Amerikano at sa maikling panahon ng pananakop ng mga Hapones, naiwan ang iba't ibang impluwensiyang lingguwistiko at kultural. Ang wikang Espanyol ay ginamit sa pamahalaan at relihiyon, habang ang Ingles ay itinanim bilang wika ng edukasyon, batas, at burukrasya. Dahil dito, hindi lamang naging multilingguwal ang bansa kundi nagkaroon din ng hirarkiya kung saan madalas pinapahalagahan ang Ingles sa opisyal na gamit.
Sa ganitong kalagayan, lumitaw ang pangangailangan na magkaroon ng isang komon na wika sa Pilipinas. Sa antas ng pamahalaan, higit itong naging mahalaga sapagkat kinakailangan ang isang wikang kayang gamitin sa batas, dokumento, serbisyo publiko, at pambansang diskurso. Ang pagpili at pagpapaunlad ng pambansang wika ay hindi lamang usaping lingguwistiko kundi tugon sa hamon ng pagkakawatak-watak, hindi pagkakaintindihan, at kakulangan ng iisang midyum sa pampubliko at opisyal na komunikasyon.
Bilang tugon sa hamong ito, nagpatupad ang pamahalaan ng iba’t ibang batas at polisiya upang magtatag, linangin, at isulong ang paggamit ng isang pambansang wika na magsisilbing batayan ng komunikasyon sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan. Bahagi ng mga hakbang na ito ang mga probisyon sa 1935, 1973, at 1987 Konstitusyon. Layunin ng pag-aaral na tukuyin kung anu-ano ang mga batas na naisakatuparan sa ilalim ng iba’t ibang batas sa ilalim ng mga nabanggit na mga konstitusyon na sumusuporta sa pagpapayabong at pagpapalakas ng wikang Filipino, pati na rin ang mga pangunahing salik na humahadlang sa ganap na pagpapatupad at pagpapatatag nito.
Upang matukoy ang mga batayang legal na sumusuporta sa paggamit ng wikang Filipino partikular kung paano ito itinaguyod, pinangangalagaan, at pinapaunlad sa pamamagitan ng mga umiiral na batas at kautusan, gumamit ang mga mananaliksik ng deskriptibong pamamaraan partikular na ang document analysis. Sa pamamagitan nito ay sinuri at isa-isang tinalakay ang mga batas at kautusan mula sa Konstitusyon ng 1935, 1973 hanggang sa Konstitusyon ng 1987 na naglatag ng mga hakbang ng pamahalaan para palakasin at paunlarin ang wikang Filipino sa bansa. Bukod dito, nangolekta ang mga mananaliksik ng datos mula sa primarya at sekundaryang sanggunian, at ginamit din ang internet at mga online database upang saliksikin at punan ang impormasyon, nang sa gayon ay masiguro ang tumpak na datos hinggil sa mga patakaran at kasaysayan ng pagpapayabong ng wikang Filipino sa pamahalaan.
Mga May-Akda: Katlen Alfanta, Ashtee Cabiara, Khean Concepcion, Bianca Cutab, Moira Pascubillo, John Sabellano, Joffery Vequizo
Ang Wikang Filipino sa Pamahalaan at mga Batayang Legal
Ang Pilipinas ay isa sa mga bansa na kabilang sa kontinente ng Asya, partikular sa Timog-silangang Asya. Napapaligiran ito ng iba’t ibang dagat at karagatang Pasipiko, ‘Perlas ng Silanganan’ kung tatawagin dahil sa ganda ng mga lugar at tanawin. Nabighani ang mga dayuhang mananakop; bilang resulta, nabahiran ng karahasan ang Pilipinas dahil sa mahigpit na mga pamamalakad. Una, tumagal ng higit 333 na taon ang Pilipinas sa kamay ng mga Espanyol kung saan napalapit sa relihiyong kristiyanismo. Sumunod naman ang mga Amerikano; sila ang nagbigay daan sa magandang edukasyon ng mga pilipino. Ngunit sa di-katagalan, ang mga Hapon naman ang sumakop.
Sa mga nagdaang panahon, namayani ang wikang Espanyol at Ingles sa pamahalaan at batas; bilang resulta, nahirapan ang bansa sa pagkamit ng pambansang identidad at damdaming makabayan. Sa kabila ng pagkakaroon ng mga wikang banyaga, ang Pilipinas ay mayaman sa iba’t ibang wika at dayalekto. Isa sa mga wikang ito ay ang wikang Filipino, na tinaguriang Wikang Pambansa. Ngunit bago paman ito naging opisyal, dumaan muna ito sa isang masusing proseso.
Sa Kumbensyong Konstitusyunal noong 1934, pinag-usapan ang pagpili ng wikang pambansa. Itinatag ang batayang legal ng wikang pambansa sa pamamagitan ng Konstitusyon ng 1935 at mga kautusan tulad ng Batas Komonwelt Blg. 184 at Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 na nagtibay sa “Tagalog” bilang batayan ng wikang pambansa. Pinalitan ito ng terminong “Pilipino” noong 1959 at kalaunan ay “Filipino” alinsunod sa Saligang Batas ng 1973 na nag-aatas na linangin at paunlarin ang wikang Filipino bilang batayan ng mga katutubong wika. Sa kasalukuyan, itinatadhana ng 1987 Saligang Batas, Artikulo XIV Seksyon 6-9 ang Filipino bilang wikang pambansa at pangunahing wika sa pamahalaan, edukasyon, at iba pang larangan, (Añonuevo, n.d.).
Ang Wikang Filipino ay hindi lamang isang wika kundi isang simbolo ng pambansang pagkakakilanlan ng patuloy na yumayabong habang tinatanggap ang iba't ibang kultura at wika ng mga Pilipino (Komisyon sa Wikang Filipino).
Ang pananaliksik na ito ay naglalayong ipakita ang kahalagahan ng Wikang Filipino sa pamahalaan at ang mga batayang legal na sumusuporta rito. Hindi lamang instrumento ng komunikasyon kundi isa itong legal na pundasyon na nagpapatibay sa pagkakakilanlan at epektibong pamamahala ng ating bansa. Sa pamamagitan ng wikang nauunawaan ng nakararami, mas nagiging malinaw ang komunikasyon, mas epektibo ang mga serbisyong pampubliko, at mas na papalapit ang ugnayan ng pamahalaan at mamamayan.
Gayunpaman, nananatili pa rin ang hamon ng malawakang paggamit ng Ingles sa mga opisyal na dokumento at transaksyon, na nagdudulot ng pagkalito at kahirapan para sa marami sa pag-unawa sa mga legal na salita at patakaran.
Bukod dito, itinatampok sa pag-aaral na ito ang pagsusuri sa mga batayang legal ng Wikang Filipino sa pamahalaan, mula sa mga probisyon ng iba't ibang konstitusyon at hanggang sa mga kautusan at executive orders ng magkakaibang panahon, na nagtatakda at nagpapatibay sa paggamit ng Filipino sa mga opisyal na transaksyon ng gobyerno. Sa gayon, nilalayon nitong magbigay ng masusing pag-unawa sa papel ng Wikang Filipino bilang wika ng bayan at bilang mahalagang instrumento sa pagkakaisa at tunay na paglilingkod publiko, na siyang naging sandigan para sa mas matatag at mas epektibong implementasyon nito sa hinaharap.
Sa pamamaraan, gagamitin sa pag-aaral na ito ang deskriptibo-kwalitatibong metodo sa pamamagitan ng sistematikong pagsusuri ng mga dokumentong legal at mga opisyal na kautusan na may kaugnayan sa paggamit ng Wikang Filipino sa pamahalaan. Mangangalap ng datos mula sa mga pangunahing sanggunian tulad ng mga kautusang pang-edukasyon mula sa Department of Education, mga executive order, probisyon sa Konstitusyon ng Pilipinas, batas ukol sa pagtatatag ng Komisyon sa Wikang Filipino, gayundin ang mga desisyon ng Korte Suprema na may kinalaman sa paksa. Ang mga datos na ito ay masusing susuriin upang matukoy at mapaliwanag ang mga batayang legal na nagtataguyod at naglalatag ng mga alituntunin sa paggamit ng Wikang Filipino sa mga opisyal na komunikasyon at transaksyon ng pamahalaan, pati na rin ang mga polisiya mula sa Commission on Higher Education at Technical Education and Skills Development Authority na nagtataguyod ng implementasyon ng wikang Filipino sa sektor ng edukasyon at pagsasanay.